MANILA, Philippines – Inoobserbahan ng Department of Health (DOH) ang tatlo pang katao laban sa nakamamatay na Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus (MERS-CoV).
Sinabi ni Acting Health Secretary Janette Garin na naiwan pa ang tatlo sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kasama ang confirmed case na Pinay nurse dahil ikinokonsidera na ngayong probable case ng MERS-CoV.
Hindi na ibinigay ng DOH ang ibang detalye ng pagkakakilanlan ng isang probable case, maliban sa nagkaroon ito ng close contact sa Pinay nurse nang umuwi sa Pilipinas mula Saudi Arabia noong Pebrero 1 at na-confine sa ospital sa San Pedro, Laguna.
Sa mga nakasakay naman ng Pinay nurse sa Saudia Arabia flight 860, dalawa na ang naka-isolate at inoobserbahan.
Isa rito ang suspected MERS-CoV patient habang ang isa ay person under investigation. Hindi na binanggit ng DOH kung saan mino-monitor ang dalawa.
Ipinaliwanag ni Garin ang apat na classification stage ng MERS-CoV na kinabibilangan ng “person under investigation” na nakitaan ng sintomas ng MERS-CoV; ang MERS-CoV suspect naman ay may sintomas at may finding sa X-ray sa baga; ang probable MERS-CoV patient naman ay may sintomas, may finding sa X-ray sa baga, at makailang beses na nagkaroon ng close contact sa taong nagpositibo sa MERS-CoV habang ang ikaapat na stage ay ang kumpirmadong may MERS-CoV.
Matatapos ngayong linggo ang 14 na araw na incubation period para nakasabay ng Pinay nurse sa eroplano habang sa Pebrero 24 matatapos ang home quarantine sa 10 nakauwi na mula sa RITM.
Sinabi pa ni Garin na ligtas naman ang nasa sinapupunan ng Pinay nurse.
Nabatid na ang ospital na pinagtrabahuhan ng Pinay nurse sa Saudi Arabia ay nagkaroon din ng pasyenteng nagpositibo sa MERS-CoV.
Muling pinawi ni Garin ang pangamba ng mga Pilipino sa sakit sa pagsasabing hindi airborne ang MERS-CoV.