MANILA, Philippines – Kinondena kahapon ni Senator Bam Aquino ang napaulat na pagbebenta ng DVD nang pagpatay sa 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force na tinatawag ring “Fallen 44” sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
“Hindi katanggap-tanggap na mayroon pang ilang mga tao ang nagsasamantala at gusto pang pagkakitaan ang pinagdaanang dusa ng ating Fallen 44,” pahayag ni Aquino.
“Sa ginagawa ng mga taong ito, muling nabubuhay ang malagim na pangyayaring nagpalungkot sa milyun-milyong Filipino at sinasariwa ang sugat na natamo ng kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag pa ni Aquino.
Kaya’t nanawagan si Aquino sa mga otoridad na parusahan ang mga nagsasamanta at pinagkakakitaan ang nangyari sa “Fallen 44”.
Ang bawat DVD ay ibinebenta umano sa halagang P25 sa kabila ng panawagan ng ilang ahensiya ng gobyerno at maging ng pamilya ng mga napaslang na itigil ang pagpapakalat ng nasabing video.