MANILA, Philippines - Malapit ng bumagsak sa kamay ng batas ang isa pang wanted na teroristang si Abdul Basit Usman na napaulat na sugatang nagpapalipat-lipat ng taguan sa Maguindanao.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police Public Information Office (PIO) Officer –in-Charge (OIC) Generoso Cerbo sa patuloy na manhunt operations ng pulisya at maging ng iba pang mga law enforcement agencies laban kay Usman.
Gayunman, patuloy namang inaalam ng mga awtoridad kung nasugatan sa bakbakan si Usman.
Si Usman, may reward na $2M ang sinasabing Pinoy henchman ni Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan, may reward na $5M na iniulat na napatay sa inilunsad na Oplan Exodus sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 na nagresulta sa pagkasawi ng 44 Special Action Force (SAF) commandos.
Samantala, iginiit ng MILF na kinakanlong ng kanilang grupo si Usman at nangakong tutulong sa paghuli laban sa naturang wanted na terorista.
Unang ipinangako ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino sa pamilya ng SAF fallen 44 ang pagtugis , pag-aresto at paghaharap sa paglilitis ng batas laban kay Usman matapos ang madugong engkuwentro sa Mamasapano.