MANILA, Philippines - Kinakitaan umano ng sintomas ng Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) ang 11 katao na nakasalamuha ng Pinay nurse mula Saudi Arabia.
Ito naman ang nabatid mula kay Acting Health Secretary Janette Garin kung saan sinabi nito na inoobserbahan ngayon ang 11 sa 56 “close contacts” ng nurse na natukoy ng kagawaran. Isinailalim ang mga ito sa mga pagsusuri.
Ang close contacts ay bukod pa sa higit 200 nakasama ng nurse sa Saudia flight 860. Binubuo ito ng mga kaanak at personnel sa Evangelista Medical Specialty Center sa San Pedro, Laguna kung saan unang isinugod ang nurse.
Nagnegatibo sa unang test ang 56 close contacts pero nagpakita ng sintomas ang 11 at batay sa direktiba ng World Health Organization, paliwanag ni Garin, kailangan silang muling kunan ng ibang samples para makumpirmang wala itong MERS-CoV.
“For a patient to be declared as negative, kung hindi siya nagpositibo, kailangan ang dalawa hanggang tatlong negative tests taken two days apart each,” ani Garin.
Nasa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na rin ngayon ang 11.
Sa higit 200 nakasabay sa flight pabalik ng bansa, 92 na ang natunton ng DOH at pumayag ang lahat ng ito na sumailalim sa pagsusuri.
Nananawagan ang DOH sa mga pasahero na tumawag sa DOH 711-1001 o 711-1002. Sakaling makaramdam ng sintomas, iminungkahing magtungo sa government hospitals para sa agarang aksyon.
Sa ngayon, patuloy ang pagtutok sa kondisyon ng buntis na Pinay nurse na nagpositibo sa virus.