MANILA, Philippines - Patay ang limang bata matapos aksidenteng malunod sa isang sapa sa Barangay Lahug, Tapaz, Capiz kamakalawa.
Kinilala ang mga biktima na sina Lloyd Aguirre, 6; Melody Gilbaliga, 7; KC Sumaria, 6; Ketchie Sumaria, 9 at Kevin John Sumaria, 5, pawang mga estudyante ng Lahug Elementary School.
Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa isang sapa sa nasabing lugar bandang alas-3 ng hapon kung saan nautusan umano ang mga biktima na mag-igib ng tubig para sa palayan ni Barangay Kagawad Juvelyn Giganto.
Ngunit nagkayayaan ang mga itong maligo sa sapa hanggang sa mapadako sa malalim na bahagi ang isa sa mga biktima.
Tinangka namang sagipin ang nalulunod na biktima ng mga kasamahan nito pero sa kamalasan ay nadamay na rin ang mga ito dahil nangunyapit ang una.
Narekober naman ng mga nagrespondeng search and rescue team ang bangkay ng mga biktima matapos ang mga itong sunud-sunod na lumutang sa sapa ilang oras matapos ang insidente.