NCRPO inalerto sa resbak ng mga galamay ni Marwan
MANILA, Philippines - Inilagay ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang buong Metro Manila sa heightened alert status sa gitna na rin ng ilang mga ulat na diumano’y posibleng makarating sa Metro Manila ang mga galamay ng napatay na si Jemaah Islamiyah (JI) terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan.
Ito ang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Police Director Carmelo Valmoria matapos na mapaslang si Marwan na may patong sa ulong $5M noong Enero 25 sa inilunsad na Oplan Exodus sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 Special Action Force (SAF) troopers ang nasawi.
Nabatid sa opisyal na bagaman wala naman silang intelligence report sa banta ng terorismo sa Metro Manila mula sa mga kaalyado ni Marwan ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras upang mapigilan ang pagresbak ng mga teroristang grupo dahil sa kanilang tala na karaniwan ng rumeresbak ang mga teroristang grupo kapag napapatay ang mga lider ng mga ito. Si Marwan ay sinasabing utak ng Bali bombing sa Indonesia noong 2002 na ikinasawi ng 202 katao.
Inihayag ng opisyal na bago pa man bumisita sa Pilipinas si Pope Francis noong Enero 15-19 ay nasa heightened alert na ang pulisya na itinaas sa full alert ng umalis na ang Santo Papa.
- Latest