MANILA, Philippines - Nakakuha ng ebidensiya ang pamahalaan laban sa nangyaring Mamasapano encounter na ikinasawi ng 44 SAF troopers matapos na kumalat sa social media video ng pagpatay sa mga SAF troopers.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na maaaring gamitin ang video kung saan makikita na pinagbabaril hanggang sa mapatay ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ng mga rebelde noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
Inatasan na ni De Lima ang National Bureau of Investigation na siyasating mabuti kung tunay ang video na kumakalat ngayon sa mga social networking sites.
Tiniyak ni De Lima na may kakayahan ang Cybercrime Division ng NBI na alamin kung saan galing ang video at kung tunay ito gayundin ang pagkakakilanlan ng mga bumaril at sakali aniyang tunay ang video ay maaari itong tanggapin sa korte bilang ebidensiya.
Binigyan diin ni De Lima na may ilang regulasyon upang tanggapin ng korte ang ebidensiya. Kabilang na rito ang pag-trace kung sino ang kumuha ng video at anong oras ang video.
Anya, sa ilalim ng International Humanitarian Law, ang mga nasabing “circumstances” tulad ng armed conflict ay hindi maaaring gawing excuse upang bigyan ng hustisya ang “barbaric and cruel” acts na labag sa batas.- Doris Franche-Borja-