Deliberasyon sa BBL sinuspinde ng Kamara

MANILA, Philippines - Suspendido na ang deliberasyon sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ito ang inanunsiyo kahapon ni House Ad Hoc Committee on the Bangsamoro Chairman Rufus Rodriguez nang suspendihin dakong alas-5:00 ng hapon matapos magsumite ng incident report ang PNP,  AFP, ARMM governor Mujiv Hataman at OPAPP.

Hindi umano maaaring ihayag ni Rodriguez ang nasabing mga incident reports galing sa mga nabanggit na ahensiya ng gobyerno.

Ang hakbang ay ginawa ng komite upang mabigyan umano ng sapat na pagkakataon ang mga miyembro ng Ad Hoc Panel na mabusisi ang resulta ng mga pagsisiyasat sa malagim na engkwento na ikinamatay ng 44 SAF troopers.

Mag-oobserba rin ang lupon sa isasagawang pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety sa Mamasapano encounter bukas. 

Wala rin anyang katiyakan kung kailan muling ipagpapatuloy ang deliberasyon sa BBL dahil wala pa rin umanong timetable para sa pagpapatibay ng nasabing panukala.

 

Show comments