Nigerian, lover timbog sa P.7-M shabu
MANILA, Philippines – Isang Nigerian national na hinihinalang miyembro ng African Drug Syndicate (ADS) at lover nito ang nadakip ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation sa San Fernando City, Pampanga.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Paul F. Omina, 33, Nigerian national; at Merlyn A. Ates, 32, pawang residente sa San Antonio 1, Noveleta, Tanza, Cavite.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., naaresto ang mga suspek ng mga operatiba ng PDEA Regional Office 3 (PDEA RO3) sa pamumuno ni Director Jeoffrey Tacio matapos isagawa ang buy bust operation sa loob ng isang kilalang fast food restaurant sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue ng nasabing lungsod.
Nasamsam sa mga suspek ang medium-sized zip-lock transparent plastic bag na naglalaman ng shabu at tumitimbang ng may 200 gramo na nagkakahalaga ng P 700,000.
Ang mag-lover ay kinasuhan ng paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) in relation to Section 26 (Conspiracy to Sell), Article II ng Republic Act 9165.
- Latest