Humingi ng tawad kina Lacson at Estrada... Mancao handa nang sumuko
MANILA, Philippines - Handa nang sumuko si retired Col. Cesar Mancao na akusado sa Dacer-Corbito double murder case matapos itong humarap kahapon sa media matapos ang halos dalawang taon na pagtatago nang tumakas sa piitan ng National Bureau of Investigation (NBI) noong 2013.
Halos hindi nakilala si Mancao na nagpahaba ng buhok at may balbas at bigote na handa nang sumuko matapos maliwanagan nang dumating si Santo Papa sa bansa at gusto na rin niyang makapiling ang kanyang asawa’t anak.
Bukod dito ay humingi din ito ng patawad kina dating Sen. Ping Lacson at dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada sa pagdawit nito sa kaso.
Humingi rin ito ng patawad kay Justice Sec. Leila De Lima.
“Nag-a-apologize ako sa mga taong aking nadawit at nasirang mga pangalan at napagalit lalo na po kina Senator Lacson kung saan akin pong nasira ang kanyang pangalan, reputasyon, ang kanyang ambisyon... at kay dating President Erap, nabanggit ko po ‘yung pangalan niya na kasama du’n sa kaso pero hindi naman siya [dawit],” banggit ni Mancao.
Nagtrabaho si Mancao para kay Lacson nang ito’y Philippine National Police chief at pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force.
“Ilang dekada ko nang kilala si Senador Lacson. Siya ay iginagalang, malinis at walang takot,” wika pa ni Mancao.
“Ako po ay walang personal knowledge sa kanilang mga involvement. Ako’y talagang napilitan lang ng dating tauhan ng administrasyon na idawit sila.”
Tila napilitan lang si Mancao na idawit ang pangalan nina Lacson at Estrada sa pagpaslang sa publicist na si Bubby Dacer at sa driver nito na si Emmanuel Corbito noong 2000 dahil sa umano’y ginigipit siya ng mga tao ng dating administrasyon.
Hindi pa naman nito binanggit kung sino ang mga taong nanggipit aniya sa kanya.
Inabsuwelto na si Lacson ng Court of Appeals sa double-murder case. Kinatigan naman ng Supreme Court ang naging pasya ng CA.
- Latest