MANILA, Philippines - Binigyang parangal kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga survivors at sugatan ng Mamasapano incident sa isang simple at pribadong seremonya sa Malacañang.
Binigyan ni Pangulong Aquino ng plake ng kagitingan at medalya ang mga survivors ng madugong Mamasapano incident noong Enero 25 kung saan ay nasawi ang may 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).
Kabilang din sa pinagkalooban ng Pangulo ng pagkilala at medalya ay ang survivor na si PO2 Christopher Lalan na nagtago sa water lilies sa ilog habang binabaril siya ng mga sniper.
Ang Pangulong Aquino ay nagpasalamat sa kagitingang ipinamalas ng mga SAF members sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin.
Ginanap ang simpleng seremonya ng pagkilala sa mga buhay na bayani ng Mamasapano incident sa President’s hall ng Malacañang kahapon kung saan ay naroroon din sina PNP officer in charge Leonardo Espina, DILG Sec. Mar Roxas at Defense Sec. Voltaire Gazmin.
Ginawa ng Pangulo ang pagharap sa mga survivors ng Mamasapano incident kahapon ng umaga bago ito humarap sa isang national address sa taumbayan kagabi.