MANILA, Philippines - Namatay noon din ang dalawang construction workers habang 11 ang nasugatan matapos gumuho ang biga sa upper ground floor ng isang itinatayong gusali sa Bonifacio Global City (BGC) Taguig City kahapon ng umaga.
Nasawi noon din ang mga biktimang sina Renan Dela Cruz at Ruben Racraquean, kapwa nasa hustong gulang matapos madaganan ang mga ito.
Dinala naman sa Saint Luke’s Medical Center ang 11 construction workers na pawang nasugatan na kinilalang sina Aldrin Gahuman; Jaymar Carbeta; Sandy Vargas; Roberto Lorca; Reagan Labmutin; Larry Magguray; Wendel Behim; Darwin Amara; Bernard Tugade; Jonathan Agoson at Delinger Abara.
Batay sa ulat, dakong alas-8:00 ng umaga sa upper ground floor ng ginagawang The Suit Condominium kung saan ay nasa pitong palapag pa lamang ang kontruksiyon, na matatagpuan sa panulukan ng 5th at 28thAvenues, BGC nang bumigay ang pinatutuyong semento at ang scaffolding na tinutungtungan ng mga biktima habang gumagawa ang mga ito.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang naturang insidente.