MANILA, Philippines – Matapos ang pagkamatay ng 44 miyembro ng PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao ay dumadami na ang mga kongresistang nanawagan na itigil muna ang pagtalakay sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Nagkakaisa sa kanilang privilege speeches sina Pangasinan Rep. Kimi Cojuangco, Abakada Rep. Jonathan dela Cruz, at Zamboanga del Norte Rep. Aurora Cerilles para suspendihin muna ang proseso sa BBL.
Sinabi ni Cojuangco, hindi niya maatim na pag-usapan ang BBL na magbibigay ng poder sa MILF habang hindi pa nalilinawan kung ano ang talaga ang tunay na nangyari.
Ang pagpapatuloy pa umano ng Kamara sa deliberasyon ng BBL ay kamanhidan na sa panig ng Kamara kaya para sa kongresista maraming dapat linawin dito dahil may mga probisyon ito na hindi patas at masyadong nagbibigay ng pabor sa MILF.
Hiniling din ni Dela Cruz na pagkatapos ng imbestigasyon sa engkwentro ay makakabuting buksan muli ang konsultasyon sa BBL dahil mas marami ngayong kwestiyunableng probisyon sa panukala.
Pagkatapos ng mga panawagan ay iginiit ni Ave partylist Rep. Eulogio Magsaysay na magpasa na ng resolusyon ang Kamara para sa pagsuspinde ng proseso sa BBL.
Maging si Manila Mayor Joseph Estrada ay pabor na suspendihin ang BBL hangga’t walang malinaw na mananagot sa nangyaring pagkamatay ng 44 SAF men.
Ayon kay Estrada, dapat munang maging malinaw ang bawat isinasaad sa BBL upang maging patas sa lahat ng mga kinauukulan.
Paliwanag pa ng alkalde, hustisya lamang ang sigaw ng mga pamilya na dapat na maibigay ng pamahalaan upang maiwasan na rin ang demoralisasyon ng ibang pulis gayundin ang mga sundalo na patuloy na lumalaban sa mga rebelde.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima na bubuo sila ng lupon na mag-iimbestiga sa nangyari sa Mamasapano.
Sinabi ni De Lima na inatasan siya ng Pangulong Noynoy Aquino na bumalangkas at magsampa ng kaso laban sa mga taong nasa likod ng pagkamatay ng 44 SAF.
Ang team ng National Prosecution Service (NPS) at National Bureau of Investigation (NBI) ay siyang susuri sa mga makakalap na ebidensya at magsasampa ng kaukulang kaso.
Personal naman niyang pangangasiwaan ang lupon na makikipag-ugnayan din sa Board of Inquiry (BOI) ng PNP.