MANILA, Philippines – Nagpakalbo ang nasa 60 katao kabilang si dating Pampanga, Candaba Mayor Gerry Pelayo bilang pagpapakita ng pakikisimpatiya at respeto sa “Fallen 44” sa Gate 1 ng Camp Crame kahapon.
Patuloy pa rin ang pagbaha ng mga bulaklak sa gate ng Camp Crame mula sa iba’t ibang grupo, mga opisyal ng pamahalaan at maging ng mga kapwa pulis na nakikiisa sa ‘national day of mourning’ para sa 44 nasawing SAF commandos.
Ang aktibidad ng grupo ay umagaw ng atensyon ng mga motorista sa kahabaan ng EDSA.
Nagsindi rin ng kandila ang mga magsasaka na nagsilinya ng korteng puso bilang pakikisimpatiya sa mga naulilang pamilya ng 44 SAF kaugnay ng paghahanap ng hustisya sa sinapit ng mga ito.
Isang malaking krus din na nilagyan ng itim na laso ang inilagay ng mga ito sa entrance gate ng Camp Crame bilang tanda ng pakikiisa sa pambansang pagluluksa.