MANILA, Philippines – Isang malaking kampo ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang nakubkob ng militar sa isinagawang operasyon kahapon ng umaga sa Brgy. Langhub, Patikul, Sulu.
Sinabi ni Captain Rowena Muyuela, Spokesperson ng AFP-Western Mindanao Command, dakong alas-8:00 ng umaga nang makubkob ng tropa ng Joint Task Group Sulu sa ilalim ng superbisyon ni Col. Alan Arrojado ang nasabing kampo.
Ang paglusob ay bahagi ng law enforcement operations upang lipulin ang nalalabi pang mga bandido sa ZAMBASULTA (Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi) area.
Pinaniniwalaang natunugan ng mga bandido ang puwersa ng gobyerno kaya mabilis ang mga itong nagsitakas.
Natagpuan ang 42 istraktura kabilang ang ilang mga kubo na maaaring magkasya ang 100 bandido.
Narekober sa naturang kampo ang mga sari-saring armas na kinabibilangan ng 57 recoiless rifle, M60 machine gun, M203 grenade launcher, AK 47 assault M16 rifle, M 14 rifle, 2 ICOM radios, isang marble gun, 4 jungle hammocks, mga personal na kagamitan at iba pa.
Ang Abu Sayyaf ay sangkot sa serye ng kidnapping for ransom, ambushcades laban sa tropa ng pamahalaan, pamumugot ng ulo sa mga hostages at pambobomba.