MANILA, Philippines – Isoli muna ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga ninakaw na baril at personal na gamit ng nasawing 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) bago ituloy ang anumang uri ng peace talks kabilang na ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ito ang sinabi ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, chairman ng Senate Committee on Local Government at bukod sa pagsosoli ng mga baril ng “Fallen 4” ay tumulong din ang MILF sa paghuli sa teroristang si Basit Usman.
Anya, para magpatuloy ang pagpasa ng BBL ay dapat lamang na magpakita ng kooperasyon sa gobyerno ang MILF sa pagdakip kay Basit na pinaniniwalaang natitirang miyembro ng Jemaah Islamiya na nagtatago sa Mindanao.
Inihayag din ni Marcos, chair ng Senate Committee on Local Government na mahalaga ang kooperasyon ng MILF para malaman ang katotohanan sa nangyaring Mamasapano massacre.
Bagaman at itinanggi na ng liderato ng MILF na nasa kampo nila si Usman, iba naman ang sinasabi ng kalaban nilang grupo na Moro National Liberation Front (MNLF) na buhay pa rin umano si Basit at maging si Zulkifli al Hir alias “Marwan”.
Matatandaan na pansamantalang ipinagpaliban ng komite ni Marcos ang mga nakahanay na hearing tungkol sa BBL matapos mapaslang ang 44 miyembro ng PNP-SAF at muling itutuloy kung magpapakita ng senyales ang MILF na nakahanda silang makipagtulungan sa gobyerno.