MANILA, Philippines - Ipinadala na ng pamahalaan sa tanggapan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa United States ang isang daliri at ilang hibla ng buhok ng napatay na si Zulkifli bin Abdul Hir, alyas Marwan, upang makumpirma kung ito ang Malaysian bomb expert na target ng pagsalakay ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) noong Linggo sa Mamapasano, Maguindanao.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas, lalong titingkad ang karangalan ng 44 SAF members na nagsakripisyo ng buhay sa sagupaan sa Maguindanao kapag nagpositibo na si Marwan nga ang napaslang sa naturang insidente.
“Kapag nakumpirma na si Marwan nga ang napatay, hindi nasayang ang pagsasakripisyo ng buhay ng ating mga pulis na napaslang sa Maguindanao,” ayon kay Roxas.
“Perhuwisyo sa ating kapayapaan at kaayusan ang tulad ni Marwan na nagtuturo sa paggawa ng bomba sa mga rebeldeng Muslim kaya kapag nagpositibo na siya ang napatay ng PNP-SAF ay makabuluhan ang pagsasakripisyo ng buhay ng ating mga pulis.”
Nabatid na matitiyak sa DNA database ng FBI kung si Marwan nga ang napatay tulad ng ginawa sa bangkay ng dayuhang teroristang si Fathur Rohman Al-Ghozi na napatay ng militar noong Oktubre 12, 2003 sa Pigcauayan, Cotabato.
Tiniyak naman ni Roxas na mananagot ang mga opisyal na dapat responsable sa operasyong ginawa ng SAF-PNP sa Maguindanao dahil kumikilos na ang Board of Inquiry na naatasang magsiyasat sa nangyaring engkuwentro ng mga pulis at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) katuwang ang mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).