MANILA, Philippines - Pagkatapos arestuhin at kaladkarin ay pinakawalan din agad si Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr., ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms kaugnay sa pagharap nito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee.
Dakong alas-11 ng umaga ng dumating ang grupo ni Binay sa Senado at dumiretso sa tanggapan ng OSAA habang isinasagawa naman ang ika-14 na pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee tungkol sa diumano’y overpriced na Makati City Hall parking building sa pangunguna ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel.
Si Binay at ang limang iba pa ay pinatawan ng contempt ng komite bunsod sa patuloy na pang-iisnab sa hearing ng subcommittee. Natuloy ang hearing dakong alas-1:30 ng hapon nang magmosyon na si Trillanes na dalhin sa session hall si Binay.
Sa pagdinig, pilit na pinasasagot naman ni Pimentel si Binay sa alegasyon tungkol sa sinasabing overpriced na Makati City Hall 2 parking building.
Iginiit naman ni Binay na hindi niya sinasalungat ang Senado pero may mga karapatan din umano siya na dapat protektahan at una ng nasagot ang mga katanungan na iniisyu sa kanya.
Dahil sa pagmamatigas ni Binay, ipinag-utos na ni Pimentel na palayain ito kasama sina dating City administrator Marjorie De Veyra at kasalukuyang administrator na si Eleno Mendoza na ikinatuwa naman ng mga supporters nito.
Nakapagsagawa pa ng isang press conference si Binay matapos ang pagdinig kasama sina dating Senators Joker Arroyo at Rene Saguisag.