MANILA, Philippines - Hustisya!
Ito ang sigaw ng mga kaanak ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force na napaslang sa madugong pakikipagbakbakan sa grupo ng Moro Islamic Liberation Front sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ayon kay Virgie Viernes, biyuda ng isa sa mga nasawing pulis, napakasakit sa kaniya na ang PNP-SAF commandos pa ang sisihin ng gobyerno partikular na si Pangulong Benigno Aquino III sa kawalan umano ng koordinasyon sa MILF na nagresulta sa pagkalagas ng malaking puwersa ng PNP sa isang operasyon lamang. Aniya, kitang-kita ang pagkiling ni PNoy sa mga kalaban ng gobyerno.
Ang ibang namatayan naman na di na nagpabanggit ng pangalan ay itinuturing si PNoy bilang isang mahinang pangulo ng bansa dahil hindi ito makapagbigay ng hustisya sa mga biktima.
“Nagsakripisyo ang asawa ko, namatay para sa misyon na yan, bakit sila pa ng kanilang mga kasamahan ang nasisisi”, umiiyak na hinagpis ng ginang.
Unang dumating ang mga metal caskets ng 42 SAF members sakay ng C-130 cargo planes at dumating sa Maynila dakong alas -10:05 ng umaga galing Awang Airport at dinala sa grandstand ng VAB ng Philippine Air Force (VAF). Paglapag pa lang ng eroplano ay nagsimula ng pumalahaw ng iyak ang mga pamilya, kaibigan at mga kapwa pulis.
Naging kapansinpansin rin ang hindi pagdating ni Pangulong Benigno Aquino III sa nasabing “arrival honors” matapos dumalo naman sa “ribbon cutting” ng isang planta sa Laguna.
Nabatid na 42 lamang ang labi ng PNP-SAF Commandos ang dinala sa Maynila dahilan sa dalawa sa mga ito ay Muslim at inilibing na sa loob ng 24 oras alinsunod sa tradisyon ng mga ito.
Nanguna naman sa ‘arrival honors’ sina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, PNP Officer in Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina, Presidential Spokesman Edwin Lacierda, AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. ang nasibak na si PNP SAF Chief P/Director Getulio Napenas at iba pa.
Samantalang nakidalamhati rin sina Vice President Jejomar Binay; Senadora Nancy Binay; Senador Bongbong Marcos, inang si dating Unang Ginang Imelda Marcos, dating Pangulong Fidel Ramos, dating PNP Spokesman at Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil gayundin ang iba pang mga opisyal.
Kasabay nito, magsasagawa naman ang Alumni Association ng Philippine National Police Academy ng “Walk for Sympathy and Justice” para sa mga nasawing pulis. Hinikayat nila ang bawat isa na magtungo sa Libingan ng mga Bayani dakong alas-5:00 ng madaling-araw para isagawa ang nasabing pagkondena.
Sa kanilang isasagawang Walk for Sympathy and Justice, mariing hiling din nila na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng mga biktima. Matatandaan, na nagbanta ang naturang grupo ng “mass leave”.