MANILA, Philippines - Sa gitna ng mainit na isyu ng karumaldumal na pagpatay sa 44 PNP-SAF sa Maguindanao ay tinanggal kahapon sa puwesto si Philippine National Police (PNP) Public Information Office (PNP-PIO) P/Chief Supt. Wilben Mayor.
Ayon kay Sr. Supt. Robert Po, Deputy ng PNP-PIO, magbabalik sa kaniyang dating puwesto kapalit ni Mayor si P/Chief Supt. Generoso Cerbo Jr.
Si Mayor ay itinalaga bilang Officer in Charge sa Office of the Deputy Director, Directorate for Intelligence ng PNP.
Si Mayor ay itinalagang hepe ng PNP-PIO noong Setyembre 2013 matapos itong magsilbi bilang Spokesperson ni PNP Chief Director General Alan Purisima.
Si Cerbo, isang abogado ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1985 at nagsilbing PIO ng PNP noong 2012.
Nauna nang sinibak ang hepe ng PNP-SAF na si P/Director Getulio Napeñas.- Joy Cantos-