Minasaker na 44 SAF hindi tatalikuran ng pamahalaan-Roxas

MANILA, Philippines - Tiniyak ni Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na bukod sa pakikiramay ng buong pamunuan ng National Police Commission (Napolcom), Philippine National Police (PNP) at DILG ay magbibigay din ng tulong ang pamahalaan sa pamilya ng mga pulis na namatay at nasugatan sa Mamasapano, Maguindanao.

Sa pulong balitaan na ginanap sa Camp Crame kahapon, sinabi ni Roxas na hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga naulilang pamilya ng Special Action Force (SAF) Unit ng PNP.

“Makakaasa kayo na hindi po kayo iiwan. Lahat po ng tulong o ayuda na karapat-dapat sa inyo ay sisiguruhin natin na makararating,” pahayag ni Roxas.

Inatasan naman ng kalihim si PNP Director for Comptrollership Rolando Purugganan para pangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa pamilya ng 44 miyembro ng PNP-SAF na napatay sa engkuwentro at sa 12 iba pang operatiba na nasugatan.

Ayon pa sa kalihim, bibigyan ng full honors ang mga napaslang na pulis, samantalang sasagutin ng pamahalaan ang funeral arrangements gayundin ang iba pang assistance na kailangan ng kaanak ng mga napatay at nasugatang miyembro ng PNP-SAF.-Ricky Tulipat-

 

Show comments