SAF vs BIFF: 30 nasawi

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 30 ang nasawi nang magbakbakan ang Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) nang salakayin  ng tropa ng pamahalaan ang kuta ng mga rebelde sa Brgy.Pidsandawan, Mamasapano Maguindanao kahapon ng umaga.

Batay sa sketchy report, dakong alas-9:00 ng umaga nang magsimula ang engkuwentro nang salakayin umano ng SAF at tropa ng militar ang kampo ng BIFF at Moro Islamic Liberation Front.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa batid kung ilan sa SAF ang nasawi gayundin sa BIFF dahil sa nagpapatuloy pa ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at mga rebelde mula sa 118 at 105 based command na pinamumunuan umano nina Kumander Resbak at tropa ni Kumander Visayan.

Nabatid na dalawa umano sa mga rebelde na tauhan ni Kumander Resbak ng 105 based command ay kabilang sa mga nasawi na kinilala lamang sa mga pangalang Kansa at Sala.

Naiulat din na 9 rebelde ang naaresto ng mga otoridad habang tatlong high powered firearms ng SAF ang umano’y narekober ng grupo ni Kumander Visayan.

Sinabi naman ni P/Sr. Supt. Danilo Peralta, Cotabato Police Provincial Director, agad niyang inalerto ang buong kapulisan sa lalawigan ng North Cotabato upang mapigil ang anumang posibleng pag-spill over ng nasabing sagupaan sa Maguindanao.

Patuloy na kinukumpirma ng Armed Forces of the Philippines at PNP ang bilang ng mga nasawi.

 

 

 

Show comments