MANILA, Philippines - Sugatan ang isang pulis-Maynila na si PO2 Jimmy Pelagio, nakatalaga sa Manila Police District-Jose Abad Santos Police Station 7 matapos na bundulin ng motoristang si Ardy Dalanon, 25, residente ng No. 611 Lower Tibayan St., Gen. De Leon, Valenzuela City. Naganap ang insidente dakong alas-11:00 kamakalawa ng gabi sa panulukan ng J. Abad Santos Ave. at Antipolo st., Tondo kung saan nagsasagawa ng checkpoint ang biktima. Sinita ng biktima ang suspek dahil walang plaka ang motor nito, ngunit sa halip na huminto ay pinaharurot pa nito ang nasabing sasakyan, kaya kapwa bumagsak ang dalawa at nasugatan. Nahaharap sa patung-patong na kaso si Dalanon.