MANILA, Philippines - Dinakip ng pulisya ang apatnapung katao makaraang mahuling sangkot ang mga ito sa sextortion sa pamamagitan ng internet sa isinagawang operasyon sa lalawigan ng Pampanga nitong Huwebes.
Sa report ng pulisya, dakong alas-4 ng hapon ng salakayin ng mga operatiba ng CIDG-Anti Cybercrime Group ang tatlong apartment unit sa Brgy. Sto. Niño, San Fernando City ng lalawigang ito, matapos ang masusing surveillance operation sa lugar dahil sa reklamong natatanggap ng pulisya laban sa mga suspek.
Sa nasabing raid, 35 computer na ginagamit ng mga suspek sa ‘sextortion operation’ ang nakumpiska ng mga operatiba. Modus operandi ng mga suspek ay ang magpunta sa kanilang site gamit ang credit card ng mga parokyanong dayuhan.
Nabatid na kapag nahikayat na ang mga biktima na subukan ang kanilang website ay dito na makikipag-chat ang mga suspek sa mga ito na may ipapakitang mga pre-recorded video ng mga babae at lalaking hubo’t hubad at magpapanggap ang mga suspek na sila ang nasa video.
Bukod sa mga inarestong chatters, hinuli din ng pulisya ang itinuturong may-ari ng kumpanya na si Richard Miranda na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10175 o ang Anti Cybercrime Prevention Act ang mga nadakip na suspek.