MANILA, Philippines - Kinasuhan ng pulisya ng 3 counts ng multiple murder at apat na multiple frustrated murder si Iligan City Mayor Celso Regencia at 14 iba pa kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa pananambang sa convoy ni Iligan City Lone Congressman Vicente “Varf” Belmonte Jr., na ikinasawi ng 3 katao habang apat pa ang nasugatan noong Disyembre 11 sa Laguindingan, Misamis Oriental noong Disyembre 11, 2014.
Sinabi ni Supt. Gervacio Balmaceda Jr., spokesman ng Northern Mindanao Police ang mga kaso ay isinampa ng Special Investigation Task Group (SITG) Belmonte sa Provincial Prosecutors Office.
Nabatid na nakaligtas sa ambush si Belmonte na ilang metro lamang ang layo matapos itong lumabas sa paliparan ng bayan ng Laguindingan, Misamis Oriental galing sa Maynila na kung saan ay tatlo sa mga kasamahan nito ang nasawi.
Ang pagsasampa ng kaso sa grupo nina Mayor Regencia ay nang ituro ng ilang testigo sa SITG Belmonte na siyang nasa likod ng krimen gayundin sa mga nakuhang ebidensya ng mga imbestigador.
Si Regencia ay nag-anunsyo ng kaniyang planong pagtakbo sa re-election sa Iligan City na makakalaban umano ni Belmonte sa darating na 2016 national elections.