MANILA, Philippines - Wagi si Manila Mayor Joseph Estrada at mananatiling alkalde matapos na ibasura ng Korte Suprema ang petisyon na kumukuwestiyon sa pagkapanalo nito noong nakaraang election.
Ang petisyon ay unang inihain ni Atty. Alicia Rios-Vidal, ikinatuwiran nito na mula nang ma-convict sa kasong plunder noong 2007 at mahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo dapat sana ay otomatikong diskwalipikado na ito o ibig sabihin ay wala na itong karapatang tumakbo sa anumang elected positions
Sa botong 11-3, nakasaad sa desisyon ng SC, dinidismis nito ang disqualification case dahil absolute pardon ang ibinigay kay Estrada ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo, kaya ibinabalik ang lahat ng karapatan nito kasama na ang political rights.
Lubos naman ang kaligayahan ni Estrada sa naging desisyon ng Korte Suprema sa pagsasabing indikasyon lamang ito sa pinag-aaralan ng mga mahistrado ang dokumento at patuloy na pagtitiwala ng Manilenyo sa kanya at mas dodoblehin ang serbisyo para sa mga ito.
Nang tanungin kung ano ang kanyang mensahe kay dating Manila Mayor Alfredo Lim: “God Bless and more power to his retirement”, ani Erap.
Muli ding nanindigan si Estrada na ito na ang kanyang “last hoorah” kung saan pinauubaya na niya kay Moreno ang lungsod sa mga susunod na taon.
Samantala, iginagalang naman ng Malacañang ang naging desisyon ng SC.(Doris Franche-Borja)