MANILA, Philippines – Naitala ng tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang siyam na insidente ng paglabag ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa unilateral ceasefire sa pinamumugaran nilang teritoryo sa silangang bahagi ng rehiyon ng Mindanao.
Ito ang sinabi ni Major Ezra Balagtey, Spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command kaugnay ng pagtatapos nitong Lunes ng hatinggabi ang idineklarang 1 buwang tigil putukan ng AFP sa hanay ng NPA rebels.
Ang unilateral ceasefire ay inobserbahan ng AFP troops mula Disyembre 18, 2014 hanggang Enero 19, 2015. Habang sa NPA ay ang 10 araw na tigil putukan mula Disyembre 24, 25 at 26, 2014; Disyembre 31, 2014 at Enero 1, 2015 kaugnay ng katatapos na kapaskuhan at mula Enero 15-19, 2015 para naman sa papal visit.
Kabilang naman sa mga paglabag ng NPA sa SOMO ay ang pangha-harass sa Patrol Base ng AFP sa New Visayas, Lupon, Davao Oriental noong gabi ng Enero 18, 2015 kung saan nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Nasangkot rin ang NPA sa pagtatanim ng landmine at pagdedeploy ng mga ‘snipers ‘ sa kahabaan ng San Isidro –Mahaba Road sa Surigao del Sur na nagbunsod sa pagkabuhol-buhol ng trapiko noong Disyembre 26. Ang mga landmine ay narekober ng tropa ng militar.
Noong Disyembre 23, 2014 sa bisperas ng SOMO ng NPA rebels ay dinukot ng mga ito si Jose Mervin Coquilla, jail warden ng Compostela Valley sa Panabo City, Davao del Norte na pinakawalan kamakalawa ng NPA rebels ilang oras bago magtapos ang unilateral ceasefire.