MANILA, Philippines – Pitong katao kabilang ang limang babae at dalawang lalaki ang pormal nang kinasuhan ng Philippine National Police (PNP) sa Manila Prosecutors Office dahil sa panggugulo sa kasagsagan ng pagdalaw ng Santo Papa.
Ang mga kinasuhan ay lumabag sa Article 133 ng Revised Penal Code (RPC) o Offending Religious feelings at paglabag sa Batasang Pambansa no. 880 o illegal assembly ay kinilalang sina Felix Bruce Bertos, 36, ng Blk. 4 Lot. 11 Dasmariñas City, Cavite; Restituta Samonte, 21; Esmeralda Cruz, 19, estudyante at Hazel Apao, 39, missionary na pawang taga Brgy. Sampaloc IV, Dasmariñas City, Cavite.
Naganap ang insidente noong Enero 17 dakong alas-4:30 ng hapon malapit sa Apostolic Nunciature sa may panulukan ng Quirino Avenue at Taft Avenue, Maynila habang papasok na sa Apostolic Nunciature ang Pope nang iladlad ng apat ang dala nilang tarpolina na nagsasaad ng “Ika-2 utos: Huwag kayong sumamba, yuyukod at maglilingkod sa diyus-diyusan larawan o rebulto ng anumang nilalang- Exodo 20;4-5; at “Only Jesus Christ can save you from sin and hell; at “Kamatayan ang kabayaran ng kasalanan ngunit ang kaloob ng diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon-Roma 6:23.
Ang ginawa umano ng apat ay nakaakit sa atensiyon ng mga Katoliko at deboto na masayang nagsisigawan nang makita si Pope Francis pero nainsulto.
Ang apat ay miyembro ng Evangelical Christians na walang maipakitang permit sa kanilang pagtitipon.
Inaresto rin ang dalawang babae at isang lalaki sa Luneta na nagsagawa ng “bomb joke” sa pinal na misa ng Santo Papa sa Quirino Grandstand na kinilalang sina Ellyn Ventura, 26, dalaga, medical secretary; Erlinda Sion, 27, dalaga, medical secretary, ng Barangay Inmalong, San Fabian, Pangasinan at ang bading na si Albert Corpuz alias “Jazz”, 21, kasambahay, ng 05 Barangay Nilombot, Sta. Barbara, Pangasinan na kinasuhan naman ng paglabag sa Presidential Decree 1727 (bomb scare).