MANILA, Philippines – Kasunod ng panibagong rolbak sa presyo ng petrolyo ay magsasampa ng petisyon ang grupong National Council for Commuters Protection (NCCP) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ibaba ang halaga ng pasahe sa bus at taxi.
Ayon kay NCCP President Elvira Medina, na nag-uusap na silang mga opisyal ng grupo kung magkano ang halagang ipepetisyon na ibaba makaraang maging mas mababa pa ang halaga ng diesel at gasolina kumpara noong taong 2008 na pinakahuling nagkaroon ng fare increase sa mga bus.
Hihilingin nila sa LTFRB na ibalik ang dating halaga ng pasahe bago ito itaas noong 2008 na kung saan ay nasa P9 lang ang minimum na pasahe sa ordinaryong bus at P30 lamang ang flagdown rates sa mga taxi noon.
Bukod dito ay may nakabinbin na petisyon rin sa LTFRB si Negros Rep. Manuel Iway na humihiling ng P8 pagbaba sa minimum pasahe sa bus at P30 flagdown rate sa mga taxi at kasama rin ang pagbaba ng pasahe sa mga AUV.