MANILA, Philippines – Tiniyak ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas sa publiko na handa ang local government units (LGUs) sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao sa pagtama ng bagyong Amang sa kabila ng mga pagdiriwang kaugnay ng pagbisita ni Pope Francis sa bansa.
“Inabisuhan na namin ang mga alkalde na maging alerto at sundin ang mga protocol sa ganitong uri ng kalamidad. Dapat ding umaksiyon ang mga ito bilang unang tutugon o first responders sa mga kalamidad dahil sila ang makapagtatasa kung kinakailangan ang preemptive evacuations sa mapanganib na mga lugar tulad ng gilid ng bundok, tabing ilog at coastal areas,” wika ni Roxas.
Nilinaw ng kalihim na may listahan sila ng mga dapat ipatupad o preparasyon bago o matapos tumama ang isang bagyo at ito ang dapat sundin ng LGUs para sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Nakipag-ugnayan din ang DILG sa National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) para masundan ang landas ng bagyo at maabisuhan ang LGUs.