MANILA, Philippines – Isang puting private plane na sinasakyan ng ilang opisyal ng pamahalaan ang sumadsad sa dulo ng runway ng Tacloban Airport kahapon. Ayon kay Police Chief Superintendent Asher Dolina ng Police Regional Office 8, ligtas ang lahat ng sakay nito.
Kabilang sa mga nailigtas mula sa eroplano ay sina Executive Secretary Paquito Ochoa, Presidential Communications Sec. Sonny Coloma, Undersecretary Manny Bautista at Felizardo Serapio, ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda bukod pa sa walong staff members at tatlong crew members.
Batay sa ulat, ilang minuto matapos lumipad ang eroplanong sinasakyan ni Pope Francis, nagtangka ring lumipad ang private plane sa kabila ng masamang panahong dala ng Bagyong Amang pero sumadsad ito.
Ayon kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na sumabog umano ang gulong ng Global Express plane kaya ito nagkaaberya. Sa ipinalabas namang statement, nasiyahan si Pangulong Noynoy Aquino na ligtas ang mga sakay ng nasabing eroplano at ipinag-utos na nito sa Civil Aviation Authority of the Philippines na imbestigahan ang pangyayari.