MANILA, Philippines - Dinaluhan ng libu-libong Filipino ang unang misa ni Pope Francis na isinagawa sa Manila Cathedral kahapon ng umaga.
Sa buod ng homily ni Pope Francis sa kanyang misa ay pinanawagan nito na dapat mamuhay ng simple at mahalin ang mahihirap.
Sinabi pa ni Pope Francis dapat sumalamin sa buhay ng bawat isa ang paghihirap at sakripisyo ng Panginoon.
Aniya, dapat tanggapin ang katotohanan ng injustice sa bansa, subalit kailangan dapat ay magkaisa rin ang publiko kung paano ito lalabanan.
Pinasaringan din ng Santo Papa ang mga kaparian sa sistema ng inequality o hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan at dapat na tanggapin ang lahat ang mga pagkakamali at mga kasalanan.
Ipinaalala ni Pope Francis sa mga lider ng Simbahang Katolika lalo na ang mga obispo, pari, madre at mga religious leaders ang kahalagahan ng kanilang ginagampanang mga papel.
Paulit ulit na idiniin ng Santo Papa ang salitang “constant conversion” sa mga tagapagpaabot ng mensahe ng Panginoong Hesukristo.
Kinonsensya rin ni Pope Francis ang mga lider ng relihiyon na iwaglit ang pagiging materyalismo at sa halip ay maging repleksiyon nang gawain ni Hesukristo na dapat makita at maramdaman sa mga ito ng mga taong hirap din sa buhay.
Hinamon nito ang mga relihiyoso, mga batang pari at seminarista na maging inspirasyon ng mga kabataan at pag-asa.
Ang nasabing misa ay dinaluhan ng mga obispo, pari, at madre. Habang may big screen naman sa labas ng Cathedral kung saan nanonood ang napakaraming tao.
Samantala, umabot sa 20 katao ang hinimatay sa Manila Cathedral dahil sa pag-aabang sa misa ni Pope Francis.
Ayon sa Philippine Red Cross (PRC), karamihan sa mga nahimatay ay hindi pa kumakain o kaya’y kulang sa tulog matapos mag-overnight vigil nitong Huwebes ng gabi.
Bukas, January 18, itinakda ang misa ng Santo Papa sa Rizal Park na bubuksan sa publiko.