MANILA, Philippines - Nasapul ng bala ang isang hepe ng pulisya ng General Mariano Alvarez, Cavite nang ito ay rumesponde sa isang nangyayaring indiscriminate firing ng isang grupo ng mga drug pusher naganap kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si Chief Inspector Leo Angelo Llacer, dahil sa tama ng bala sa tiyan.
Batay sa ulat, bandang alas-7:30 ng gabi ay nakatanggap ng report ang himpilan ni Llacer hinggil sa nagaganap na indiscriminate firing ng grupo ni Romeo Villaganas Jr. sa Brgy. Delas Alas.
Nang dumating sa lugar ay agad nagpakilala si Llacer na hepe ng pulisya, gayunman, isa sa mga suspek ang bigla na lamang nagpaputok sa bintana na sumapul sa tiyan ng biktima kung saan nauwi sa shootout ang insidente.
Sa kasagsagan ng putukan ay tinamaan naman ang isa sa mga suspek na kinilalang si Mando Luminog na inabandona ng mga kasamahan nitong mabilis na nagsitakas.
Nagawa pang maisugod sa De La Salle Hospital sa Dasmariñas City, Cavite ang biktima, subalit idineklarang dead on arrival.
Nakatakas si Villaganas at ayon sa mga residente ay tinatayang nasa 3 pang suspek na sangkot sa indiscriminate firing ang nakitang sumibat sa lugar.
Nang salakayin ang bahay ni Villaganas ay nakumpiska ang mga drug paraphernalia at inaalam rin kung nasa impluwensya ang mga ito ng droga ng mangyari ang insidente.
Nakarekober din ng samutsaring basyo ng mga bala kabilang ang M16 rifles.
Isang manhunt operations ang isinasagawa ng pulisya laban sa mga suspek.