Big time rollback uli

MANILA, Philippines - Nagpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng petrolyo sa bansa nang muling magpatupad ng malakihang rolbak ang mga kumpanya ng langis ngayong Lunes ng hatinggabi.

 Kabilang sa mga unang nag-anunsyo ng rolbak ang mga kumpanyang Pilipinas Shell, Petron Corporation, PTT Philippines at Phoenix Petroleum.

Sa anunsyo ng Shell, dakong ala-1:00 ng madaling araw nila ipatutupad ang bawas pres­yo. Nasa P1.70 kada litro ang tatapyasin sa premium, at unleaded gasoline; P1.60 sa kada litro ng kerosene at P1.50 sa kada litro ng Diesel.

Kahalintulad na mga presyo sa naturang mga produkto rin ang itatapyas ng Petron Corporation habang maliban sa kerosene, katulad na halaga rin sa gasoline at diesel ang itatap­yas ng PTT at Phoenix.

Wala pa namang anunsyo ang iba pang kumpanya ng langis sa bansa ngunit ina­asahan na susunod ang mga ito sa panibagong galaw sa presyo ng petrolyo.

 

Show comments