MANILA, Philippines – Dinakip ng mga otoridad ang dalawang lalaki kabilang ang isang menor de edad matapos na makita na nagbebenta ng pinagbabawal na isdang Piranha kamakalawa ng gabi sa kanto ng Tayuman at Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Jordan Carlos, 25, company checker, ng 220 Lallana St., Tondo at Mark Jerico, 17.
Batay sa ulat, dakong alas-7:45 ng gabi ay nagpapatrulya ang mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) nang mamataan ang dalawa na nakaupo sa bangketa at nag-aalok ng dala nilang mga plastic container na naglalaman ng tubig at mga binhi ng isda.
Inusisa ng mga otoridad ang laman ng 4 plastic container na ang bawat plastic ay naglalaman ng 25 piraso ng Piranha species na nagkakahalaga ng P130,000 bawat plastic.
Nakatakdang isasalang sa inquest proceedings sa kasong paglabag sa Republic Act 8550 (Philippine Fisheries Code of 1998) kaugnay sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) administrative order na nagpapataw ng parusa sa “illegal possession, importation and trade of prohibited fish particularly Piranha.
Bukod dito ay mahaharap din ito sa kasong paglabag sa RA 9147 (An Act providing for the comnservation and Protection of Wildlife Resources and their Habitats, Appropriating Funds Therefore and for Other Purposes).
Mapanganib ang nasabing isda na kumakain ng maliliit na mammals at iba pang aquatic resources and species na kung pakakawalan ay makakasira ng kalikasan.