MANILA, Philippines - Magbibigay ang pamunuan ng Land Transporta-tion Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng special permit para sa mga passenger buses na maghahatid-sundo sa panahon ng pagbisita ni Pope Francis sa bansa mula Enero 15 hanggang Enero 19.
Ito ang naging sagot ni LTFRB Chairman Winston Gines sa kahilingan ni MMDA Chairman Francis Tolentino na madagdagan ang bilang ng mga bus na maghahatid-sundo sa mga pasahero mula probinsiya at mula sa ibang lugar ng Metro Manila na papuntang Maynila para puntahan ang Papa.
Nasa P250.00 per unit ang bayad sa bawat special permit ng mga passenger bus para sa Papal visit.
Sinabi rin ni Gines na sa Papal visit ay sususpindihin ang ruta ng mga bus na dadaan sa NAIA tulad ng mga bus na may biyaheng Tramo, Parañaque sa panahon ng pagdating ng Papa at sa panahon ng pag-alis nito sa bansa.