MANILA, Philippines - Isang deboto ang nasawi matapos atakehin sa puso sa kalagitnaan ng traslacion ng Itim na Nazareno kahapon.
Ang nasawi ay kinila-lang si Renato Gurion, 44, residente ng Sampaloc, Maynila habang palabas na ang andas ng Itim na Nazareno.
Mabilis itong dinala sa Manila Doctors Hospital, subalit ito ay idineklarang dead-on-arrival dakong alas-8:30 ng umaga.
Ayon sa kuwento ni Barangay Kagawad Adam Sanding, isa sa mga kasama ng biktima na nasa ibabaw ng andas si Gurion nang nadaganan ito ng mga taong nais humalik at magpunas ng tuwalya at panyo sa imahe nang ito ay atakehin sa puso.
Matatandaang halos dalawang oras ang itinagal bago maiusad ang andas dahil sa dami ng taong nagpupumilit makalapit sa lubid.
Si Gurion ay miyembro ng Hijos de Nazareno na mga nangunguna sa pag-hila at prusisyon ng andas.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa mahigit 500 na ang nabigyan ng first aid ng mga nakaantabay na medical at health personnel sa bahagi pa lamang ng Quirino Grandstand, na karamihan ay minor cases lamang tulad ng pagkahilo, nagalusan at tumaas ang blood pressure.
Isang Anjo Molina naman ang nagkaroon ng rib fracture dahil sa pagkaipit sa dagsa ng tao.
Nabatid na alas-12:00 pasado pa lamang ng hatinggabi noong Enero 9 nang isagawa ang banal na misa ni Manila Archbishop Cardinal Antonio Tagle.