MANILA, Philippines - Pinasasampahan ng kaso ni Justice Secretary Leila de Lima sa National Bureau of Investigation ang may 119 indibiduwal kabilang na ang dating Director ng Bureau of Plant Industry (BPI) hinggil sa pagmamanipula sa pagtaas ng presyo ng bawang noong nakalipas na taon.
Ayon kay de Lima dapat kasuhan ng paglabag sa Repuplic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Article 210 ng Revised Penal Code o Direct Bribery at Presidential Decree 1829 o Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders ang mga sangkot dito partikular na si Clarito Barron, dating direktor ng Bureau of Plant and Industries (BPI).
Kakasuhan si Barron dahil sa pagtanggap umano ng P240,000 noong panahon ng kanyang panunungkulan kapalit ng pag-isyu ng apat na import permits kay Lilibeth Valenzuela.
Ang kasong paglabag sa Republic Act 3019 ay may kaugnayan naman sa pagbibigay ng “undue favor” sa Vegetable Importers, Exporters and Vendors Association of the Philippines (VIEVA) na pinangungunahan ng isang Lilia M. Cruz alyas Leah Cruz. Nabigyan din umano ang grupo ng import permit kahit pa hindi naman kwalipikado ang VIEVA.
Sinabi ni De Lima na bagama’t may shortage sa suplay ng bawang noong nakaraang taon, pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo nito ay ang ginawang pagkontrol ng mga respondent sa supply at pagtatakda ng presyo ng nasabing produkto.
Bukod kay Barron, kakasuhan din sa Ombudsman ng paglabag sa RA 3019 ay sina Merle Bautista Palacpac, officer-in-charge ng Plant Quarantine Service ng BPI; Luben Quijano Marasigan, dating hepe ng Plant Quarantine Service ng BPI; Lilia Matabang Cruz ng kumpanyang VIEVA na nakabase sa Santa Rosa, Nueva Ecija; Rochelle Diaz at 113 iba pa.