Trader ginulpi, ninakawan ng PNPA cadet atbp.

MANILA, Philippines – Nagsampa ng kaso ang negosyanteng si Danilo Cronos, 43, ng  Bldg. 30, Unit 86 Temporary Housing, Vitas, Tondo laban sa isang police cadet, utol nito at limang iba pa nang pambubugbog at pagnanakaw naganap kamakalawa ng gabi.

Ang mga suspek ay kinilalang sina PNPA cadet Kris Antonelle “Choy” Cataluna; kapatid nitong si Antonette; barangay kagawad na si Junior Santiago; isang Wendell Austria at ang tatlong tanod na sina Shiela Santos, Nestor Espenal at Jhune Tordena pawang  ng  Brgy.  96 Zone 8 ng nasabing lugar.

Sa ulat, bandang alas-11:00  ng hatinggabi sa panulukan ng Ugbo at Velasquez Sts. sa Tondo ay magkaangkas ang magkapatid na Cataluna nang  harangin at pahintuin ang minamanehong truck ng biktima.

Agad na umakyat ang kadete at walang sabi-sabing sinapak nito sa mukha ang biktimang si Cronos.

Humingi ng  tulong ang  biktima sa barangay, su­ba­lit laking gulat nito nang pagtulungan pa umano siyang gulpihin  at kunin ang P10,000 na nasa kanyang pitaka.

Nagyabang pa si Antonette sa biktima na ang kapatid nitong si Kris Antonelle “Choy” Cataluna ay tenyente ng pulis.

Nang magsampa ng reklamo ang biktima ay doon lamang niya nalaman na iisa lang ang bahay ng mga suspek.

Show comments