MANILA, Philippines – Tatlong araw bago salubungin ang Bagong Taon ay pumalo na sa 140 kaso ng nasugatan sa paputok.
Batay sa ulat kahapon sa Firecrackers Injury Registry ng DOH ay 139 dito ang naputukan habang isa naman ang nakalunok ng pulbura ng piccolo na inakalang candy.
Ang nasabing bilang ay sumasaklaw lamang mula Disyembre 21 nang sinimulan ang monitoring hanggang nitong Disyembre 29.
Lumalabas pa ring nangunguna ang piccolo sa may pinakamaraming nabiktima na umabot sa 94.
Ayon kay Health Assistant Secretary Elmer Punzalan,mas dapat pag-isipan ng mamamayan ang long term-effect sa halip na pangkasiyahan ng okasyon at ng Bagong Taon dahil sa oras na maputukan at mawalan ng parte ng katawan o paningin ay habambuhay na itong pabigat sa buhay.
Ang Maynila ang maituturing na may pinakamatigas na ulo dahil nangunguna na naman sa may pinakamataas na bilang ng naputukan kasunod ang Pasig City at ikatlo ang Las Piñas.