Foreman nambastos ng dalagita pinagtataga
MANILA, Philippines – Mistulang tinadtad na karne ng baka ang ibat ibang bahagi ng katawan ng isang foreman nang ito ay pagtatagain ng dalawang lalaki kabilang ang ama ng dalagita na umano ay binastos nito kamakalawa sa isang subdivision ng Brgy. Mambog 4, Bacoor City, Cavite.
Namatay noon din ang biktima na kinilalang si Alex Garcia, 43, may-asawa, foreman ng Construction Greenfield Company at residente ng Brgy. San Agustin Ibaan, Batangas City.
Ang dalawang suspek na pinaghahanap ng pulisya ay kinilalang sina Rolando Villanueva, alias Totong, construction worker, ng Brgy. Mambog 4 at isang alias Nonong.
Sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-4:00 ng hapon ay nagtatrabaho ang biktima sa loob ng Princeton Subdivision nang komprontahin ng mga suspek na pawang armado ng bolo.
Nagagalit ang suspek na si Villanueva dahil sa umano’y ginawang pambabastos sa anak nitong dalagita.
Pinabulaanan ng biktima ang akusasyon ni Villanueva hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo at ilang sandali ay pinagtataga ng dalawa ang biktima hanggang sa ito ay mapatay.
- Latest