MANILA, Philippines - Muling sinalakay ng mga tauhan ng Manila Police District ang mga sidewalk vendor at kinumpiska ang iba’ ibang klaseng paputok kahapon ng hapon sa Binondo, Manila.
Ayon kay P/Supt. Julius Anonuevo, Station Commander ng MPD-Binondo Police Station 11 ang sorpresang pagsalakay sa mga tindahan ng paputok sa M. De Santos St. sa Sto Cristo sakop ng Binondo at nakumpiska ang daang daang paputok tulad ng Plapla; bawang; whistle bomb; Piccolo; kwitis at fountain.
Sa ulat ng pulisya, bandang alas-2:30 ng hapon nang salakayin ang lugar at matiyempuhan ang mga nakalatag na paputok.
“Kahit malakas o mahina man ang paputok, kailangan naming kumpiskahin kasi mahigpit ang kampanya ng pamahalaang lokal ang pagbabawal sa mga paputok,” pahayag ni P/Supt. Anonuevo.
Itinurn-over ang mga paputok sa MPD-Bomb Disposal Unit.