MANILA, Philippines - Para matugunan ang reklamo ng mga spam messages ay nais padagdagan ng kapangyarihan ni Quezon City Rep. Winston Garcia ang National Telecommunications Commission (NTC).
Anya, dapat mabigyan ng karagdagang kapangyarihan ang komisyon para tugunan ang isyu nang pagpapadala ng mga telecommunications companies at service providers ng “unsolicited, unnecessary, and unwanted text messages,” o spam messages sa kanilang mga subscribers.
Sa House Bill 5224 na inihain nito sa Kongreso ay bibigyan ng karagdagang regulatory powers ang NTC upang makapagpataw ito ng multa o bawiin ang prangkisa ng mga telcos at service providers na mabibigong itigil ang spam messages sa mga subscribers.
Dapat matigil na ang pagpapadala ng mga spam messages dahil hindi naman ito hiniling o hiningi ng mga subscribers bukod pa sa bawas din ito sa kanilang load o dagdag singil sa billings ng subscribers.
Iminungkahi nito na patawan ng NTC ng multang P300,000 ang mga abusado at mapagsamantalang telcos at service providers at kanselahin ang kanilang prangkisa kapag patuloy pa rin ito sa paglabag.