MANILA, Philippines – Nasakote ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang limang miyembro ng Sahid Utto gang na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng P1 M shabu sa isang pagsalakay kahapon ng umaga sa Brgy. Napindan, Taguig City.
Ang mga nasakoteng suspek ay kinilalang sina Roger Ortiz, Abdullah Banog, Ronnie Imbalgan, Jun-jun Panday at Dodoy Toling.
Batay sa ulat, bandang alas-5:00 ng umaga nang magsagawa ng raid ang mga operatiba ng PNP-CIDG sa hideout ng mga suspek sa Block 1, Lot 16, C6 Road, Brgy. Napindan, Taguig City.
Ang raid ay alinsunod sa apat na search warrant laban kay Mads Utto, ang lider ng grupo na sangkot sa iba’t ibang criminal activities at tatlong iba pa na inisyu ng korte ng lungsod.
Ang grupo ni Utto ay sangkot sa gun-running gun–for–hire, pagbebenta ng droga, robbery/holdup na nag-ooperate sa Metro Manila at karatig na lalawigan.
Nasamsam rin sa pag-iingat ng mga suspek ang isang bulto ng metamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P 1 M, isang improvised na shotgun, dalawang units ng cal. 45 pistol na may magazine at sari-saring mga bala, P6,200 cash na kinita ng mga ito.
Bukod dito ay nakuha rin sa mga ito ang PNP badge na pag-aari ng isang nasawing pulis na ginagamit ng mga ito sa kanilang illegal na operasyon.