MANILA, Philippines – Pinagtulungang gulpihin ng apat na babae bago tinangay ang mga gamit ng isang Korean national nang hindi ito tablan ng gamot na pampatulog o ativan na inilagay sa ininom nitong softdrinks kamakalawa sa Sampaloc, Maynila.
Sa salaysay ng biktima na kinilalang si Junsa Park, 28, nanunuluyan sa Friendly Guest House sa Malate, Maynila na kamakalawa ng gabi sa bahagi ng Balic-Balic, Sampaloc ay nilapitan siya ng apat na babae at nakipagkaibigan.
Ilang sandali na kuwentuhan ay nauto ang biktima ng apat na suspek na sumamang mamasyal sa Intramuros, Maynila na simula ala-1:00 ng hapon hanggang sa inabot ng alas-10:00 ng gabi.
Matapos ang pamamasyal ay napagod sila hanggang sa bigyan ang biktima ng softdrink.
Nang inumin ng biktima ang softdrinks ay wala itong naramdamang hilo o antok na umano ay ikinainip ng mga babae hanggang sa sapilitan siyang isakay sa isang tricycle.
Pagdating sa Sampaloc ay doon na siya pinagtulungang tadyakan at gulpihin at kinuha ang kaniyang wallet na naglalaman ng US200, P850; Sony digital camera at Samsung Galaxy na cellphone.
Ayon sa biktima na maaari niyang makilala ang mukha ng mga suspek kung muling makikita at isa lamang umano sa apat ang nagbigay ng pangalan na alyas “Cecille”.
Hinala ng pulisya na expired na ang ativan na inilagay sa softdrinks na ininom ng biktima kung kaya’t walang bisa at hindi ito tinablan.