MANILA, Philippines – Nasawi ang 6 katao kabilang ang hostage-taker na binaril ng pulis matapos magwala at sunugin ang lodging house kamakalawa ng hapon sa Daraga, Albay.
Sa inisyal na ulat ni Sr. Supt. Marlo Meneses, Provincial Police Office (PPO) Director ng Albay, na isa sa mga nasawi ay kinilalang si Lino Ladronio, nagresponde lamang sa lugar upang iligtas ang hinostage na nobya.
Patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan at pangalan ng hostage taker at apat na nasawi.
Nasugatan naman ang tatlong katao kabilang ang nagrespondeng pulis na si PO1 Bancuro Laurel na tinangkang agawin ang patalim sa hostage taker.
Batay sa ulat, bago naganap ang sunog dakong alas-2:24 ng madaling-araw sa Bicolandia Lodging House na matatagpuan sa Brgy. Kimantong ng lalawigan ay hinostage ng suspek ang isang dalaga at kaibigan nitong bading na pinagsasaksak.
Habang isinasagawa ng mga otoridad ang negosasyon upang mapahinuhod ang hostage taker na palayain ang mga hostage nito ay nagmatigas ito.
Napilitan ang mga operatiba ng pulisya na magsagawa ng rescue operations at dito ay kanilang naaresto ang suspek.
Subalit, pumapalag ang suspek sa mga arresting team at nagawang bunutin ang hose mula sa tangke ng LPG na sinilaban nito bunsod upang kumalat ang apoy at masunog ang lodging house.
Kaya’t napilitan ang mga otoridad na barilin ang suspek na naging sanhi ng kamatayan nito.
Posibleng anya na may diperensya sa pag-iisip ang suspek at mula ito sa malayong lugar na sumakay lamang sa dumaraang bus na galing sa Visayas Region na inaalam pa kung biktima ng bagyong Yolanda at Ruby.
Mabilis na kumalat ang apoy at ilan sa nasawi ay mga kustomer na na-trap sa sunog na inaalam pa ang pagkakakilanlan.