MANILA, Philippines - Hindi makakasakay ang sinumang pasahero sa LRT kung hindi nito bubuksan ang regalong nakabalot para inspeksyunin.
Ito ang paalala ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) kahit pa sa Christmas rush kaya dapat ay huwag munang ibalot ang mga regalo kung planong sumakay sa LRT.
Kinakailangang buksan ang mga nakabalot na items na dala ng
pasahero upang matiyak ng mga security guards kung ano ang laman ng mga ito.
Mas mabuti anyang nakasisiguro upang hindi malusutan ng mga masasamang elemento.
Ayon pa sa LRTA istrikto nilang ipatutupad ang “no inspection, no entry” policy para na rin sa kapakanan ng mga
mananakay.
Nagbigay pa ng guidelines ang LRTA sa mga dapat gawin sa inspeksyon bago pumasok ng mga istasyon ng tren, kabilang na ang pagpila nang maayos, paglalagay ng bag o bagahe sa ibabaw ng mesa at pagbubukas dito para mas mabilis itong mainspeksyon.