MANILA, Philippines – Mga instant millionaire ang apat na tipster ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagbigay daan sa pagkakaaresto ng isang lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) makaraan ang mga itong pagkalooban ng P12.1 M reward sa seremonya sa Camp Aguinaldo kahapon.
Personal namang ipinagkaloob ni AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. John Bonafos ang nasabing cash reward sa naturang mga tipster.
Anya sa pamamagitan ng impormasyon na ipinagkaloob ng naturang mga tipster ay nasakote ang pinaghahanap ng batas na lider ng NPA at tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Kabilang sa mga nasakote ay si Loida Magpatoc, lider ng NPA na may patong sa ulong P 5.6 M dahil sa kasong robbery, double homicide at damage to property.
Ang mga nasakote namang Abu Sayyaf kidnapper ay nakilala namang sina Basal Talib Sali; may mga alyas na Gonggong Sali at Abu Husni na may P5.3 M patong sa ulo; Muktar Ladjaperma at Jailani Basrul na may P600,000.00 reward kapalit ng kanilang pagkakaaresto.