Amasonang NPA timbog

MANILA, Philippines – Nasakote ng mga elemento ng pulisya ang isang   mataas na lider ng New People’s Army (NPA) at kasamahan nitong amasona matapos maharang sa checkpoint sa Pantukan, Compostela Valley kamakalawa.

Kinilala naman ang  mga nasakote na si Jordan Donillo, gumagamit ng mga alyas na Estong, Jovan at Nolico, isang mataas na opisyal ng NPA, may patong sa ulo na P2.5m at ang amasonang kinilala lamang sa alyas na Inday.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 11, dakong alas 5:35 ng hapon ng masakote sina Donillo at Inday sa checkpoint sa Brgy. Magnaga, Pantukan, Compostela Valley sa bisa ng arrest warrant ng korte dahil sa iba’t ibang kasong kriminal.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang cal. 45 pistol na puno ng kargang bala, dalawang Improvised Explosive Device (IED), dalawang cell phones at tatlong sling bags.

Nasa kustodya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 11 sa Davao City ang mga nasakoteng suspek na isinasailalim na sa masusing tactical interrogation.

Show comments