MANILA, Philippines - Walang makakapasok na banyagang terorista sa bansa kaugnay ng paghahanda sa pagdating ni Pope Francis.
Ito ang tiniyak ni Bureau of Immigration Commissioner Siegfred Mison kasabay ng pagbuo nito ng task force na mangangasiwa sa pagbisita ng Santo Papa.
Ang task force ay siyang mangangasiwa sa seguridad ni Pope Francis na nakatakdang dumalaw sa bansa sa Enero 15-19, 2015.
Ayon pa kay Mison, Oktubre pa inumpisahan ng task force ang kanilang preparasyon kabilang na ang planning, service training para sa mga personnel ng task force at survey inspection sa mga lugar na pagdarausan ng aktibidad ng Santo Papa.
Dobleng higpit at monitoring ang ipinatutupad sa mga paliparan sa bansa upang maiwasan ang pagpasok ng mga terorista o sinumang balak na maghasik ng gulo.